Wednesday, March 5, 2014

Ang Aral Mula Sa Mga Alitaptap

Ito na ang huling gabi ko sa piling ng pamilyang dela Cruz.  Sa halos apat na araw ko sa kanila, ibang closeness din ang nadama ko. Marahil, sa kanila ko naranasan ang kakaibang pag-aasikaso kumpara sa lahat ng natirhan ko.  Ibang-iba ang pagiging magalang ni Ka Jun at pagiging maalalahanin ni Ka Letty

Katatapos lang naming maghapunan ng dalag na sinabawan at hinaluan ng paasim na 'alas-dose'.  May terno ring 'papaitan at saluyot', binanlian ng tubig, ni walang asin.  Binili ko ang 'dalag' nang may maglako.  Bakit nga ba hindi--- ito ang aking huling gabi, isang pasasalamat.  Isang malaki at maliit na dalag.  Ang malaki ay niluto ni Ka Letty, at ang maliit ay ipinahatid sa Bapang Arce, ang matandang mag-asawa na nag-anyaya sa akin matulog sa kanila ng tatlong gabi.  Pantawid-ulam, wala kasi silang makain araw-araw.  Malimit nagtitiis na lang sa gutom.

Pagkakain, naisipan kong umupo sa giray na upuang yari sa kawayan doon sa labas, sa gawing kanan ng bintana.  Madilim, maingay ang lamok na parang nang-iinis sa tabi ng aking tenga.  Napatingala ako at nakita ang pagkaganda-gandang langit -- tila ba binudburan ng iba't-ibang laki ng mga bituin.  Kung puwede lang tumingala magdamag.  Maya-maya, nagdatingan ang mga alitaptap sa mga puno.  Langkay-langkay sila at nagmistulang 'christmas tree' na nangniningas ang mga puno.

Tahimik lang ako, maliban sa nangingiti tuwing tatawagin ni Ka Letty paminsan-minsan, para bang ina na hinahanap kung nasaan ang mahal na anak.  Ang iba pang sinasabi niya ay hindi ko maintindihan, Sambal kasi.  Lumipas ang mga oras nang hindi ko namalayan dahil sa buong layang pangtunganga ko sa langit at mga alitaptap.  Nasabi ko tuloy sa sarili, "may mabuting aral ang mga alitaptap.  Sa gitna ng pusikit na dilim, may dala-dala silang mumunting liwanag.  Kapag nagsama-sama sila, nagiging maliwanag at kasiya-siya sa paningin.  Kung ang mga tao sana'y ganito, magdadala ng liwanag ang bawat isa kabila ng kadiliman, ng paghihirap, sana'y magiging maliwanag din, magkakaroon ng pag-asa.  Maliliit na kutitap sa dilim subalit pag natipon ito'y naghahatid ng liwanag.  Tao...pamarisan sana natin ang mga alitaptap."

From A Mission Journal, 16 June 1995 with the Aetas (Indigenous Filipinos in Northern Philippines)
Bahay ni Ka June at Ka Letty dela Cruz in Itanglew, Botolan, Zambales.

No comments:

Post a Comment